Home » News » News Roundup » New Roundup » Featured » Ritz gustong maging beauty queen

Ritz gustong maging beauty queen

RITZ Azul and ALWYN Uytingco

MULI na namang sumugod ang cast ng “Tropa Mo Ko Unli” sa isang paaralan para magbigay ng aliw at saya sa mga estudyante. Binisita ng mga ka-Tropa ang STI Cainta para mag-shoot ng live comedy show na ito ng TV5 na napapanood tuwing Sabado pagkatapos ng “Pinoy Explorer.”

Ito ang ikatlong paaralan na binisita nila. Una ang San Sebastian College-Recoletos Manila at ikalawa ang Centro Escolar University. Mag-iikot pa ang buong Tropa sa iba’t ibang school sa 2014.

Kasama ang ilang entertainment writers, dumalaw kami sa taping sa STI-Cainta. Nakausap namin si Alwyn Uytingco at aniya, masaya ang ginagawa nilang pag-iikot sa iba’t ibang eskuwelahan. Nakakasama nila sa show ang mga estudyante at aliw na aliw ang mga ito sa iba’t ibang segments ng TMKU.

Itinanggi ni Alwyn ang tsikang nakatanggap siya ng memo mula sa management ng Kapatid Network na pwede siyang tumanggap ng trabaho sa ibang network. Aniya, nakakontrata siya sa TV5 at April next year pa ito mag-e-expire. Bahala na raw ang manager niyang si Manny Valera magdesisyon kung magre-renew siya ng kontrata o lilipat sa ibang network.

Natanggal
Ang ikinalungkot lang ni Alwyn, natanggal siya sa cast ng “Obsession,” teleseryeng tatampukan ni Marvin Agustin sa TV5. Si Martin Escudero ang ipinalit kay Alwyn. Clueless siya kung bakit tinanggal siya sa cast matapos siyang um-attend sa story conference.

Napalitan ng saya ang lungkot at panghihinayang ni Alwyn nang ipaalam sa kanyang may gagawin siyang bagong teleserye na siya ang bida. “Becki Boxer” ang title na mag-uumpisa ang taping next month.

About his love life, happy together pa rin sila ni Jennica Garcia. Fourth Christmas na nila this year at ayon kay Alwyn, sa bahay ni Madam sila sama-samang magse-celebrate. Sino si Madam? “Yung mommy ni Jen, si Jean Garcia. Madam ang tawag ko sa kanya. Nakasanayan ko na ’yun noong bago pa lang kami ni Jen,” wika ni Alwyn.

Ibinalita rin niyang may joint business sila ni Jennica. May bake shop sila para sa pets (cats and dogs). Si Jen ang nagbe-bake ng food at pwedeng mag-order ang pet owners online. Nagpo-post sila sa Instagram at Facebook accounts nila.

Ayon kay Alwyn, magkasama sila ni Jen namamalengke at naggo-grocery para sa ingredients na kailangan sa kanilang bake shop. Muffins at cup cakes ang bine-bake ni Jen.

Nagbi-breed din sila ng imported cats at ipinagbibili nila ang mga nagiging anak ng mga ito. Tatlo ang kanilang pusa na bini-breed nila, ayon kay Alwyin.

Any marriage plans? “Wala pa. Hindi pa namin ’yun napag-uusapan ni Jen. Trabaho at business muna para makaipon kami,” saad ni Alwyn.

Feel maging beauty queen
Feel ni Ritz Azul mag-join sa beauty contest. Na-inspire siya kay Megan Young na nakatrabaho niya sa “Misibis Bay” sa TV5. Hindi pa sila nagkikita since nanalo ito ng Miss World 2013 title. Ritz is 19 years old at gusto niyang mag-join sa beauty contest after 3 years.

“Kailangang paghandaan kong mabuti kung sa Binibining Pilipinas, Miss World, Miss Earth or what ako magdyo-join,” sabi ni Ritz nang nakausap namin sa taping ng “Tropa Mo Ko Unli” sa STI Cainta.

Bukod sa TMKU, napapanood din si Ritz sa “For Love or Money” with Derek Ramsay. Pinopormahan ba siya ni Derek? May-I-smile lang si Ritz. “Makulit ’yun sa set. Parating may pasalubong na Dunkin’ Donuts,” sabi lang ni Ritz na hindi sinagot ang tanong kung pinopormahan ba siya ni Derek. Yes or No lang naman ang pwedeng isagot.

comments