Home » News » News Roundup » New Roundup » Featured » Alonzo nakaw-eksena

Alonzo nakaw-eksena

alonzo and ryzza

NAKAW-eksena na naman si Alonzo Muhlach sa grand presscon ng “My Big Bossing.” Super hyper ang anak ng dating child wonder na si Nino Muhlach. Ikot nang ikot, takbo nang takbo sa venue at nagpamalas pa ng sayaw, kaya aliw na aliw ang entertainment press kay Alonzo.

Hindi nagpahuli si Ryzza Mae Dizon na nakisayaw rin kay Alonzo.

Tinanong si Nino kung sino sa kanila ng anak niya ang mas magaling. Aniya, “Siyempre, the original is always the best. Latak ko lang si Alonzo (laughs).”

Sabad naman ni Vic Sotto, “Mas pogi si Alonzo. Mas matangkad. Mas makulit. Kauumpisa pa lang niya pero next Christmas, may tulog na si Nino.”

“Hindi ako tumangkad dahil sa ilaw na ginamit noon. Naapektuhan ang pituary glands ko. Iba kasi ang ginagamit na ilaw ngayon,” palusot naman ni Nino.

’Kaaliw ang sagot ni Alonzo nang tanungin siya kung magkano na ang pera niya at binibilang ba niya ’yun. “I don’t know. I don’t want papa to count my money, only my yaya,” sabi ng four-year-old bagets.

May suhol pala
Pinasalamatan ni Niño si Ryzza sa pagiging supportive nito kay Alonzo during the shoot of “My Big Bossing.” Parang ate si Aling Maliit sa pag-aalaga kay Alonzo. “Kung sa ibang child stars ’yun, mai-insecure kay Alonzo at iisiping kalaban ito. Si Ryzza, nakita ko ang suporta niya sa anak ko,” wika ni Nino.

“Salamat din po sa mga ensaymada,” sambit naman ni Aling Maliit. Kaya naman pala, may suhol na ensaymada si Onin.

Super proud naman si Ruby Rodriguez na gumaganap na Nanay Baboy ni Ryzza sa MBB. Ani Ruby, talagang ipinaglaban niya si Ryzza para makasali ito sa Little Miss Philippines contest ng “Eat Bulaga.” May nakita raw kasi siyang X-factor kay Ryzza. O, di ba nga, win si Aling Maliit?

Sobrang proud din si Vic Sotto kay Ryzza. Aniya, ito talaga ang big bossing sa kanilang pelikula. Magkasama sila sa tatlong episodes ng MBB at ani Vic, sobrang galing na artista ni Ryzza. Naitawid ni Aling Maliit nang bonggang-bongga ang tatlong magkakaiba niyang roles sa “ Sirena,” “Taktak” at “Prinsesa.” Kapag hindi kuntento si Ryzza sa eksena, nagre-request siya ng Take 2, ayon kay Vic.

Manalo kaya?
Sa “Sirena” episode siya nahirapan, ayon kay Ryzza. May underwater scene siya at mabigat ang kanyang buntot, kaya hirap siyang lumangoy. May malalaking isda pa at natakot daw siya na baka kainin siya ng mga ito.

Nag-aral pa si Ryzza mag-swimming at mag-scuba diving at ang dating action star na si Jess Lapid, Jr. ang kanyang instructor. Pagmamalaki ni Aling Maliit, meron na siyang license to dive. Bongga!

Nag-e-expect ba siyang mananalo bilang best child actress sa MMFF? “Hindi po ako nag-e-expect. Basta ginawa ko po ang best ko. Pag nagka-award, thank you po. Kung wala, thank you na rin po,” saad ni Ryzza.

Ano na ang mga investment niya? “Meron na po kaming sariling bahay at sasakyan. May bago po akong car, Fortuner. May computer shop po kami. Gusto ko rin pong magkaroon ng sari-sari store na magiging grocery store,” lahad ni Aling Maliit.

Grade 4 siya sa isang home study program ng isang international school. Once a week ay pinupuntahan siya ng kanyang teacher sa Eat Bulaga studio sa Broadway Centrum.

comments