Home » News » Local » Top anime series coming to GMA

Top anime series coming to GMA

SA March 28 ay mapapanood na sa Kapuso network ang sikat na anime series ngayon sa Asia at North America na “Yo-kai Watch.”

Ang “Yo-kai Watch” ay kuwentong adventures ni Keita, isang batang lalaki, na habang naglalaro sa kagubatan ay makakakita ng isang capsule machine.

Sa pag-aakalang ito ay may lamang mga laruan, bubuksan niya ito at makikilala ang isang ispirito o yo-kai na nagngangalang Whisper.

Magpapasalamat si Whisper kay Keita sa pagpapalaya sa kanya at bibigyan ito ng isang special item na tinatawag na Yo-kai Watch na may kakayahang makakita at makausap nang mga yo-kai.

Sasamahan sina Whisper at Keita ng yo-kai na pusa na si Jibanyan sa kanilang adventures upang kilalanin ang iba’t ibang klase ng yo-kai na maari nilang maging kaibigan o kaaway.

Samantala, sa kanilang school naman ay nahihirapan si Keita na mapansin ng kanyang hinahangaang si Fumi.

Dahil madalas ma-possess si Fumi ng mga yo-kai, tutulungan siya ni Keita at ito ang magiging daan upang mas magkakilala pa ang dalawa.

Tiyak na tututukan ito ng mga fans ng Pinoy anime at aabangan nila ang mga magbibigay ng boses sa characters.

Ang mga Kapuso stars na magbibigay buhay sa mga anime characters ng “Yo-kai Watch” ay ang mga child stars na sina Miggs Cuaderno at Jillian Ward. Kasama rin ang Kapuso young actor na si Mikoy Morales.

Abangan ang “Yo-kai Watch” sa GMA-7 simula March 28, Lunes hanggang Biyernes, 8 a.m. pagkatapos ng “Dragon Ball Z.”

Para sa mga updates, bisitahin ang “Yo-kai Watch” GMA sa Facebook. (RUEL J. MENDOZA)

comments