Home » News » News Roundup » 3 bata nalunod sa Pasig River

3 bata nalunod sa Pasig River

Tatlong bata ang nalunod umano habang naliligo sa isang ilog sa Pasig City noong Biyernes.

Kinilala ni SPO1 Eduardo Pablo, may hawak ng kaso ng Pasig police station, ang mga biktima na sina Alvin Saminiada, 6; Saniboy Lerio, 8; at Brent James Barela, 9, ng Purok 5, Eastbank Road Floodway, Barangay Sta. Lucia, Pasig.

Ayon kay Pablo, naglalaro ang mga biktima kasama ang dalawang kaibigan sa harap ng isang barber shop nang sawayin at takutin sila ng isang istambay dahil maingay sila.

Dahil dito, nagdesisyon ang mga biktima na maligo na lamang sa Pasig River habang umuwi na lamang ang kanilang mga kaibigan.

Iniwan nila ang kanilang mga damit sa pampang at lumangoy. Pero sila ay nalunod habang lumalangoy.

Nakita ng ama ni Brent James na si Warren ang damit ng kanyang anak sa pampang pero hindi niya inakalang may masamang nangyari sa kanya.

Pero sinabi ng isang tao sa kanya na nakita niya ang kanyang anak na naliligo kasama ang dalawa pang bata.

Hinanap ni Warren ang kanyang anak pero hindi niya ito nakita makaraan ng ilang oras. Humingi ng tulong si Warren sa mga otoridad na nakita ang katawan ng mga biktima sa ilog.

Dinala sa ospital ang mga biktima kung saan sila idineklarang patay.

comments