Home » News » Local » Batang scavenger napagtripan, binugbog

Batang scavenger napagtripan, binugbog

Isang batang scavenger ang umano ay napatripan at binugbog ng limang residente ng Sitio 4, Barangay San Jose, Mandaluyong City noong Sabado ng hapon.

Ayon sa isang saksi, nagising siya ng sigawan sa labas ng kanyang bahay. Lumabas siya at nakita nitong binubugbog ng limang lalake ang biktima na tinatayang nasa siyam hanggang 11 taong gulang at nangongolekta lamang ng basura.

Inawat niya ang mga suspek pero wala man lang tumulong sa kanyang mga kapitbahay. Tumakbo ang biktima na nagtamo ng galos sa mukha pagkatapos ng insidente at hindi na nakitang muli sa lugar. Hindi alam ng mga residente ang pangalan at kung saan nakatira ang biktima.

Iniulat ng saksi sa San Jose Barangay Hall ang nangyari pero siya umano ay binalewala. Wala ring nakarating na ulat sa mga pulis ang insidente hanggang kahapon. Sinabi ni Jun Cucal, desk officer ng San Jose Barangay Hall, na wala silang natanggap na ulat ng insidente.

“Wala naman kaming natatanggap na report tungkol diyan, 24 hours akong nandito, kasi kung meron man dapat alam rin ng mga tanod natin,” sinabi ni Cucal. Umapela ang saksi sa mga barangay officials na aksyonan ang mga maliliit na insidente kagaya nito. (Betheena Kae Unite)

comments