Home » News » News Roundup » 2 tulak utas sa shootout

2 tulak utas sa shootout

Dalawa sa tatlong hinihinalang tulak ng shabu ang namatay sa isang shootout sa isang buy-bust operation sa Quezon City kahapon.

Kinilala ng Quezon City Police District-District Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Group ang dalawa sa mga suspect na sina Ernesto Locsin, alias “Toto,” at isang alias “Buboy,” umano ay mga miyembro ng Joselito Gonzales Drug Group.

Ayon kay Chief Insp. Enrico Figueroa, QCPD-DAID-SOTG chief, tumakas ang mga suspek pagkatapos makapagbenta ng shabu na nagkakahalaga ng P100,000 sa isang poseur-buyer sa Quirino Highway, Barangay Greater Lagro nang mapansing napapalibutan sila ng mga pulis.

Sumakay ng taksi ang mga suspek at nakipagbarilan sa mga pulis. Gumanti ng putok ang mga pulis at napatay ang dalawang suspek samantalang nakatakas ang pangatlo.

Narekober sa taksi ang mga baril, bala, mga basyo ng bala, hinihinalang shabu, perang ginamit sa buy-bust operation, athletic uniform T-shirt ng Philippine National Police, cellphone, at sumbrero ng PNP.

Napagalamang nakaw ang taksing ginamit ng mga suspek ng magsumbong ang drayber nitong si Edgardo Ignacio sa QCPD-CIDU Anti-Carnapping Section na tinangay ang kanyang sasakyan ilang oras bago ang buy-bust operation sa Tandang Sora Ave., Quezon City.

Positibong nakilala ng biktima ang dalawang namatay na suspek na siyang tumangay sa kanyang taksi. Dinala ang bangkay ng mga suspek sa Pacheco Funeral Homes sa Quezon City.

comments