Home » News » Magnanakaw patay sa shootout

Magnanakaw patay sa shootout

CAUAYAN CITY, Isabela – Napatay ng mga operatiba ng Special Weapons and Tactics (SWAT) team ang isang lalaking umano’y nanloob sa ilang bahay sa isang subdivision sa lungsod kahapon ng umaga.

Ayon kay Superintendent Engel Soriano, city police chief, inaalam pa ang pagkakakilanlan ng suspek na nasawi matapos makipagbarilan sa SWAT team ng Cauayan City Police Station sa Kensington Subdivision, Barangay Cabaruan.

Sinabi ni Soriano na bago naganap ang shootout, nakatanggap sila ng report tungkol sa panloloob ng isang lalaki sa ilang kabahayan sa Kensington Subdivision, Barangay Cabaruan, bandang 3 a.m.

Kaagad na rumesponde ang SWAT team sa lugar kung saan nila namataan ang suspek na naglalakad.

Nang tangkang pigilin ng mga pulis ang lalaki, bigla itong bumunot ng baril at pinaputukan ang mga alagad ng batas.

Gumanti ng putok ang mga pulis na nagresulta sa pagkamatay ng suspek.

Na-recover sa suspek ang .38-caliber revolver, isang shoulder bag na naglalaman ng P86,504 cash at dalawang cellular phones.

Ayon pa kay Soriano, ang mga nakuhang cellphones at pera sa napatay na suspek ay ninakaw sa mga biktimang sina Alex Diaz,60; Alfredo Torres,46; Gilbert Mobte, 44; Theresa Baquiran, 25; Lailanie Seroma, 30; at Alvin dela Cruz, 26, mga may-ari ng bahay na nilooban. (Zaldy Comanda)

comments