Home » News » News Roundup » New Roundup » Metro News » 2 bangkay natagpuan sa QC

2 bangkay natagpuan sa QC

Patay at may mga saksak sa katawan ang isang out-of-school youth na natagpuan sa loob ng isang sako sa Barangay Commonwealth, Quezon City noong Sabado. Kinilala ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit ang biktima na si Michael Diaz Jr., 16, residente ng Kaibigan St., Barangay Batasan Hills, Quezon City.

Natagpuan ang sako sa Mango St. ng isang residente habang papalabas ng bahay upang magwalis. Binuksan niya ito at nakita ang bangkay ng biktima. Pumunta sa QCPD-CIDU ang ina ng biktima at positibong nakilala ang bangkay ng kanyang anak.

Samantala, isang lalaki na may dalang baril at hinihinalang shabu ang natagpuang patay sa Liwanag St., Barangay Old Balara, Quezon City noong Sabado. Ang biktima ay nakilala lamang sa pangalang Jonathan, alias “Atan”, tinatayang 30 hanggang 35 taong gulang, may tangkad na 5’3”, medium built, fair complexion, at nakasuot ng itim na T-shirt, brown slacks na short pants, maroon bull cap, at tsinelas.

Ayon sa salaysay ng isang residente, nasa loob siya ng kanyang bahay ng makarinig siya ng putok ng baril sa labas. Lumabas siya at nakita ang biktima na nakahandusay sa kalye at may tama ng bala sa katawan. Dinala ang bangkay ng biktima sa Light Funeral Homes. (Vanne Elaine P. Terrazola and Francis T. Wakefield)

comments