Home » News » Nanonood lamang ng nagsusugal pinatay

Nanonood lamang ng nagsusugal pinatay

Patay ang isang lalaki ng pagbabarilin siya habang nanonood lamang ng mga nagsusugal sa Quezon City kahapon.

Kinilala ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit ang biktima na si Jerry Navarra, 26, walang asawa, at residente ng Kasunduan Extension, Barangay Commonwealth, Quezon City.

Ayon kay Senior Insp. Elmer Monsalve, hepe ng Homicide Section ng QCPD-CIDU, nanonood lamang ang biktima habang naglalaro ng “cara y cruz” ang kanyang mga kaibigan sa kanto ng Marcos Road at Recto Alley, Freedom Park 6, Barangay Batasan Hills, nang mapansing niyang may paparating na taong tinawag niyang “kalaban.”

Kaagad na tumakas ang kanyang mga kaibigan at naiwan ang biktima sa lugar. Nakarinig ng mga putok ng baril ang mga kaibigan ng biktima.

Lumingon sila at nakita ang biktimang hinahabol sila at bumagsak sa kanto ng Recto St. at Joma St., Freedom Park. Kaagad na naiulat ang insidente sa mga pulis.

Narekober sa lugar ang tatlong basyo ng bala ng kalibre .45 na baril. Nagtamo ang biktima ng mga tama ng bala sa katawan na kaagad nitong ikinamatay. Dinala ang labi ng biktima sa Pacheco Funeral Services sa Quezon City upang suriin. (Francis T. Wakefield)

comments