Home » News » News Roundup » New Roundup » Featured » Isa pang rape suspek tinutugis

Isa pang rape suspek tinutugis

17sketchpix copy

Puspusang hinahanap ng Quezon City Police District ang isa pang suspek na nagnakaw at humalay sa dalawang babaeng pasahero ng colorum na public utility vehicle sa Quezon City noong Biyernes.

Kinilala ni Supt. Rodel Marcelo, hepe ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit, ang suspek na si “Buddy”, may tangkad na 5’6” hanggang 5’7”, katamtaman ang pangangatawan at kulay, itim ang buhok, at tinatayang 27 hanggang 30 taong gulang.

“Hindi kami tumitigil sa paghahanap sa kanya. Tuloy-tuloy ang aming manhunt operation para ma-locate ang kinaroroonan niya at maaresto siya,” sinabi ni Marcelo. Naniniwala ang mga pulis na nasa Metro Manila lang ang suspek.

Napagalamang bangag si Buddy at ang driver ng van na si Wilfredo Lorenzo, 36, residente ng Rodriguez, Rizal, na unang naaresto ng QCPD noong Lunes bago ang insidente. “Nung umaga pa lang ng June 10, tumitira na sila ng drugs eh bago pa nangyari ang krimen,” sabi ni Marcelo.

Sumakay ang mga biktima sa van na isang puting Toyota Hi-Ace Grandia (ALA-6980) sa hapan ng isang mall sa kanto ng Quezon Ave. at EDSA sa Quezon City papunta ng SM Fairview, Quezon City Biyernes ng gabi.

Hinoldap ng mga suspek ang mga biktima pagdating sa Batasan Hills sa kahabaan ng Commonwealth Ave. Piniringan at itinali sila pagkatapos at dinala sa Caloocan City kung saan sila halinhinang ginahasa habang umaandar ang sasakyan.

Humingi ng tulong ang mga biktima sa mga otoridad pagkatapos silang ibaba sa Barangay Sauyo, Novaliches, Quezon City, Sabado ng madaling araw. (FRANCIS T. WAKEFIELD)

comments