Home » News » News Roundup » New Roundup » Regional » Malungkot na ‘Father’s Day’

Malungkot na ‘Father’s Day’

LINGAYEN, Pangasinan – Malungkot ang pagdiriwang ng “Father’s Day” para sa dalawang pamilya kahapon nang mapatay ang kani-kanilang ama sa Urbiztondo at Dagupan City, Pangasinan.

Ang unang biktima ng pamamaslang ay nakilalang si Gerry Cayago, 37, isang tricycle driver, residente ng Barangy Caturay, Bayambang, Pangasinan.

Binaril at napatay siya ng dalawang hindi kilalang lalaki sa Barangay Galarin, Urbiztondo, bandang 8 p.m., Sabado.

Ayon sa imbestigasyon, kahahatid lamang ng biktima sa kanyang pasahero at papauwi na sana sakay ng kanyang tricycle (Honda TMX 155 tricycle) nang pagbabarilin siya ng mga lalaking sakay ng isang motorsiklo.

“Namasahero para sana ngayong Father’s Day may pang-treat, kaso namatay na siya,” ayon sa isang kapitbahay ng biktima.

Sa Dagupan City naman, isang Walter Palacay, 30, ang natagpuang tadtad ng saksak sa katawan sa isang push cart sa Magsaysay Fish Market, Barangay 1, Dagupan City, bandang 2:15 a.m.

Biyernes. Naiwan ni Palacay ang kanyang asawa at isang anak. Kasalukuyang sinisiyasat pa ng pulisya ang dalawang insidente ng pagpatay. (Liezle Basa Iñigo)

comments