Home » News » News Roundup » New Roundup » Regional » Patay na sanggol sa loob ng kahon

Patay na sanggol sa loob ng kahon

BAUAN, Batangas – Isang bangkay ng bagong silang na sanggol ang natagpuang nakalagay sa kahon sa waiting shed ng Barangay Manghinao 1, kahapon ng umaga.

Ayon kay Barangay Chairman Edwin E. Ocampo, nakita ang kahon na may bangkay ng lalaking sanggol sa ibabaw ng bench ng waiting shed.

Sinabi ni Inspector Glenda R. Cleofe, may hawak ng kaso, na isang Michelle Evangelista ang nakakita sa patay na sanggol bandang 7:15 a.m.

Base sa pahayag ni Evangelista, bubuksan na niya dapat ang kanyang tindahan nang makita niya sa bench ang isang kahon na natatalian ng straw.

Nang buksan niya ang kahon sa harap ng kaniyang customer na si Rowena Arevalo, laking gulat nila nang makita ang bangkay ng sanggol na may foot tag pa kung saan nakasulat ang “John Doe 7, dated 6/18 11:00” at nakabalot ng kumot na may logo ng Batangas Regional Hospital.

Kaagad na inilibing ang bangkay sa Immaculate Concepcion Memorial Park sa Barangay Sambat, bayan ng San Pascual, ayon sa pulisya. (Danny J. Estacio)

comments