Home » News » News Roundup » Kawatan tiklo sa tanod

Kawatan tiklo sa tanod

Arestado ang isang lalaki matapos umanong pagnakawan nito ang isang estudyante na mahimbing na natutulog sa kanilang bahay sa Tondo, Maynila.

Kinilala ni Police Officer 3 Tom Jay P. Fallar ang suspek na si Jerry Fajutnao, 26-anyos, walang trabaho at naninirahan sa Lozada Street, Pandacan, Manila.

Lumabas sa imbestigasyon na pinasok ng suspek ang tahanan ng 19-anyos na biktima na si Joan Madios sa Narra Street, Tondo dakong 12:30 am noong Lunes.

Nagising umano ang biktima nang makarinig ito ng mga yapak sa kanilang tahanan. Dito na nakita ni Madios ang suspek na kinuha ang kaniyang Casio wristwatch na nagkakahalaga ng P2,000.

Sa takot ay napasigaw ang biktima, dahilan para humulagpos si Fajutnao. Nadinig naman ng rumorondang barangay tanod na si Flor Angelo Cunanan ang sigaw ng biktima kaya naman agad itong rumesponde.

Nadakip si Fajutnao at kasalukuyang nakakulong sa barangay hanggang sa ibigay ito sa Moriones Tondo Police Station kung saan naghihintay na lamang ito na sampahan ng kaso sa City Prosecutor’s Office. (Analou De Vera)

comments