Home » News » News Roundup » New Roundup » Regional » Cain at Abel

Cain at Abel

CAMP JULIAN OLIVAS, Pampanga – Patay ang isang magsasaka nang pagsasaksakin ng kanyang nakababatang kapatid na lalaki sa kainitan ng kanilang pagtatalo sa Talavera, Nueva Ecija, noong Martes ng gabi.

Ayon sa police report, dead-on-arrival si Valentine Santos Manuel, 31, sa PJMRMC Talavera Extension Hospital dahil sa dami ng tinamong saksak sa katawan.

Agad namang nadakip ng mga rumespondeng pulis ang suspek na si Vivencio Manuel, 29, alyas “Jay R”, isa ring farmer.

Na-recover sa kanya ang balisong na ginamit niya sa pagpatay sa kapatid.

Sinabi ni PO3 Marvin V. Verde, investigator on case, na nagtalo ang magkapatid sa loob na kanilang bahay sa Purok 5, Barangay Minabuyok, bandang alas-8 ng gabi dahil sa perang ibinayad kay Vivencio para sa apat na araw na trabaho sa farm ng isang Ruben Fuentes.

Sa gitna ng kanilang pagpapalitan ng masasakit na salita, inundayan ni Vivencio ng saksak ang kanyang kuya.

Nakatakdang sampahan ng kasong homicide ang suspek na nakakulong sa police station, ayon sa police.
(Franco G. Regala)

comments