Home » Entertainment » Maine not afraid to lose fame

Maine not afraid to lose fame

Maine Mendoza

WALA raw dapat ikatakot ang phenomenal Kalyeserye star na si Maine Mendoza a.k.a. Yaya Dub kung sakaling magtapos na ang kanyang pagiging sikat.

Pinaghandaan na raw iyan ni Maine dahil alam niyang walang kasiguraduhan sa mundo ng showbiz.

Inamin ng star ng pelikulang “Imagine You & Me” na dati ay dream lang niya ang maging sikat.

Tuwing may madadaanan daw siyang malalaking billboards ng mga artista na nag-e-endorse ng products, pinapangarap niyang magkaroon din ng gano’n balang-araw.

Sa isang pambihirang pagkakataon ay nangyari iyon kay Maine nang dahil sa kalyeserye ng “Eat Bulaga.”

Sobra-sobra pa raw ang pinagkaloob sa kanya ng Panginoon.

“Lagi ko pong sinasabi na kung sakaling lahat ng ito ay bawiin o mawala sa akin, okey lang dahil alam kong walang permanente sa mundong ito.

“Noon ay dream ko lang lahat ito. Yung magkaroon ng TV show, TV commercial, endorsements na malalaking products, pelikula… lahat ’yan pangarap lang noon.

“Noong sunud-sunod siyang dumating sa buhay ko dahil sa kalyeserye, sobra akong na-overwhelm.

“Isa or dalawa lang na endorsement, masaya na ako. Pero ang daming nagtiwala sa amin ni Alden (Richards) kaya pinapasamalamatan namin silang lahat sa tiwala na iyon.

“Kaya kung matapos man ito bukas, okey lang dahil naranasan ko na.

“Alam ko na ang feeling na maging sikat na celebrity. Hindi ako takot na bumalik sa simpleng buhay ko noon,” ngiti pa niya.

Kung may gusto raw na ipasalamat nang husto ni Maine, ito ay naging part siya ng “Eat Bulaga.”

Hindi nga raw niya inakalang one day ang isang tulad niya na nagsimula lang sa paggawa ng dubsmash videos sa YouTube ay magiging isang EB dabarkads.

“From nobody, nabigyan ako ng chance na maging host dito, na maging parte ng ‘Eat Bulaga.’

“So isang napakalaking karangalan sa akin ang mapabilang talaga sa ‘Eat Bulaga.’

“Hanggang sa mamatay ako, okay lang na wala akong gawin dito sa showbiz basta mag-host lang ako.

“Kung saan ako nagsimula, doon din ako magtatapos,” pagtapos pa ni Maine Mendoza. (Ruel J. Mendoza)

comments