Home » News » News Roundup » 2 tulak ng droga pinaslang

2 tulak ng droga pinaslang

Dalawang bangkay ng mga hinihinalang sangkot sa droga ang natagpuan sa Manila at San Juan City kahapon ng umaga, ayon sa police reports.

Nakita ang unang bankay ng lalaki na may karatulang nakasabit sa leeg, na nagsasabing “Chinese Drug Lord Li Peng Hui”, sa Tondo, Manila.

Ayon kay Senior Police Officer 3 Paul Vincent Barbosa II, case investigator, natagpuan ang bangkay ng mukhang Tsinong biktima sa northbound lane ng Delpan fly-over alas-4:30 ng umaga.

Ang biktima ay nasa edad na 50 hanggang 55, may taas na 5’9, katamtamang pangangatawan, maputi, at nakasuot ng lavender polo shirt at black slack pants.

Sinabi ni PO3 Barbosa II na nakatali ang mga kamay at natatakpan ng black jacket ang ulo ng biktima nang matagpuan.

Nagtamo siya ng mga saksak ng kutsilyo sa dibdib. Nasa tabi ng kanyang katawan ang isang maliit na red envelope na naglalaman ng transparent plastic sachet ng shabu. Dinala ang bangkay sa St. Rich Funeral Homes.

Ipinalalagay ng mga imbestigador na ang pagkamatay ng lalaki ay isa na namang kaso ng summary execution.

Sa San Juan City naman, natagpuang patay at may tama ng bala ang isang Percival Maglaya, sa kanto ng C. Santos Street at Lagmay Street, Barangay Balong Bato, alas-3 ng umaga kahapon.

Nakita sa tabi niya ang isang karatula na may nakasulat na “‘Drug pusher ako wag tularan”, mga basyo ng bala, at drug paraphernalia. Bago na-diskubre ang bangkay, nakarining ang mga residente ng lugar ng sunod-sunod na putok ng baril, ayon pa sa police. (Analou de Vera and Jenny F. Manongdo)

comments