Home » Entertainment » Timing » Alden and Maine, kabado sa solo film

Alden and Maine, kabado sa solo film

KUNG kabado sina Alden Richards at Maine Mendoza at may pressure sa kanila ang first solo movie nila, “Imagine You & Me,” cool lang ang direktor nilang si Mike Tuviera. Chill lang ito at aniya, confident siyang isang magandang romcom movie ang nagawa nila. May kilig factor ito at maa-appreciate ng moviegoers, lalo na ng AlDub fans nina Alden at Maine.

Ayon pa kay direk Mike, hindi siya napi-pressure na kailangang maging box-office hit ang “Imagine You & Me” dahil pinagtrabahuhan nila talaga ito. Ani direk Mike, ang pressure sa kanya ay ma-please niya ang producers na makagawa sila ng isang quality movie na maipagmamalaki ng mga ito.

Sa presscon, ipinakita ang behind-the-scenes sa shoot nila ng IYAM. Kakaunti lang ang production staff na tulung-tulong parang nagmamadali lahat sa pagkilos. Pati sina Alden at Maine, tumulong para mapabilis ang kanilang shoot.

Ipinakita rin ang trailer ng IYAM at ani direk Mike, patikim pa lang ‘yun. Marami pang dapat abangan sa kabuuan ng pelikula, lalo na ang kilig moments nina Alden at Maine.

Hindi isyu

Umalis agad si Jasmine Curtis-Smith pagkatapos ng Q & A (question and answer) sa presscon ng “Imagine You & Me.” May event pa kasi siyang kailangang puntahan that night.

Sa Q&A, sinabi ni Jasmine na isang magandang blessing sa kanya at grateful siya na bahagi siya ng solo movie nina Alden at Maine. Ani Jasmine, isang malaking pribilehiyo sa kanyang makatrabaho ang sikat na love team. Aniya pa, hindi isyu sa kanya kung support lang siya kina Alden at Maine.

Ayon pa kay Jasmine, nang alukin siya na maging bahagi ng IYAM, hindi niya alam kung sinu-sino ang makakasama niya.

Little did she know na sina Alden at Maine pala ang mga bida, kaya laking tuwa niya na siya ang napili ng producers at direktor na makasama ng dalawa na mag-shoot ng ilang eksena sa Italy.

Isinama pa ni Jasmine ang non-showbiz boyfriend niyang si Jeff Ortega. Mula Italy, matapos makunan ang mga eksena ni Jasmine sa IYAM, pumunta sila ng kanyang boyfie sa France at dumalo sa wedding nina Solenn Heussaff at Nico Bolzico sa Paris.

Dream car

Bongga ang Jaguar sports car ni Alden Richards. Aniya, dream car niya ’yun at regalo niya ’yun sa kanyang sarili.

Deserved naman ’yun ng Pambansang Bae. Halos wala na siyang pahinga sa katatrabaho, kaya nararapat lamang na bigyan niya ng reward ang kanyang sarili.

Naibili na niya ng bahay ang kanyang pamilya. Nabigyan na niya ng magandang buhay ang mga ito. Napag-aral niya ang kapatid niyang babae na grumadweyt na ng college kamakailan. Sobrang proud si Alden na napagtapos niya ito sa pag-aaral.

Anang Kapuso heartthrob, lahat ng ginagawa niyang pagpupunyagi sa trabaho’y para sa kanyang pamilya. Gusto niyang mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga ito. Priority niya ang kanyang pamilya.

Kaya naman, dagsa ang blessings na dumarating kay Alden. Bukod sa nakapagpundar na siya ng bahay at sasakyan, may restaurant business na rin siya sa Tagaytay. Nakabili na rin siya ng farm sa Batangas.

Kilig-kiligan

Si Maine Mendoza ang nag-compose ng theme song ng “Imagine You & Me.” Anang Bulakenyang dalaga, fifteen minutes lang niya ginawa ’yun at maraming hugot lines sa kanyang composition.

Ani Maine, basta tuluy-tuloy lang ang labas ng lyrics ng kanta sa kanyang isipan at aniya pa, galing sa puso niya ’yon. Sobrang inspired kasi siya habang sinusulat niya ang lyrics.

“Ramdam na ramdam ko ang meaning ng kanta. Sobrang laking bagay na nabigyan ako ng pagkakataong magsulat ng kanta,” saad ni Maine.

Si Vic Sotto ang gumawa ng tono at inareglo naman ni Jimmy Antiporda. All praises si Vic kay Maine at aniya’y may talent ang dalaga bilang lyricist.

Si Maine rin ang kumanta ng theme song ng “Imagine You & Me” at may duet din sila ni Alden.

Anang Pambansang Bae, sobrang happy siya for Maine na nakapag-compose ito ng kanta at bahagi pa siya nito. Kilig-kiligan siya, ayon pa kay Alden.

Showing sa July 13 ang “Imagine You & Me” sa mga sinehan nationwide.

comments