Home » News » News Roundup » Drug suspect nabaril sa loob ng patrol car

Drug suspect nabaril sa loob ng patrol car

Patay ang isang arestadong drug pusher nang mabaril ng pulis matapos niyang agawin ang baril ng isa sa mga humuli sa kanya habang nasa loob ng patrol car sa Tondo, Manila, noong Martes ng hapon.

Kinilala ng pulisya ang napatay na si Rolando Resido, 51, nakatira sa Barangay 103, Tondo. Nadakip siya nang magsagawa ang mga pulis ng “Oplan Tokhang” sa kanilang lugar bandang 11:45 a.m., ayon sa mga imbestigador.

Inaresto rin ng mga operatiba ang dalawang pang hinihinalang drug pusher na nakilalang sina Arnel Ocfemia, 32, warehouseman; at Mark Loiue Santiago, 26, welder.

Base sa imbestigasyon, ang tatlong nahuling suspek ay isinakay sa patrol car para dalhin sa Gat Andres Medical Center para sumailalim sa kinakailangang physical examination.

Habang binabagtas ng patrol car ang kahabaan ng R-10 sa Tondo, bigla umanong hinablot ni Resido ang baril ng katabing police officer. Tinangka ng pulis na agawin muli ang kanyang baril mula sa suspek, subalit nagpumiglas ang huli. Dito na napilitang barilin siya ng isa pang pulis.

Binawian ng buhay si Resido sa ospital kung saan dapat sasailalim lamang siya sa medical examination kasama ang dalawa pang nahuling suspek. Base sa police report, nakumpiska sa mga suspek ang R600 halaga ng shabu at drug paraphernalia. (Betheena Kae Unite)

comments