Home » News » News Roundup » New Roundup » Metro News » 2 ‘magnanakaw’ itinapon sa EDSA

2 ‘magnanakaw’ itinapon sa EDSA

Natagpuan kahapon ng madaling araw ang dalawang bangkay ng lalaki na pinaniniwalaang biktima ng “salvaging” sa kahabaan ng EDSA, Quezon City. Nakabalot ng packaging tape ang ulo at nakatali ang mga kamay at paa ng dalawang bangkay nang matagpuan. Nakalagay sa katawan nila ang mga cardboards na may nakasulat na “Huwag ako tularan, snatcher ako sa EDSA.” at “Huwag ako tularan, mandurukot ako sa EDSA, perwisyo.”

Kapwa may nakapulupot na alambre sa kanilang leeg, ayon sa police. Base sa Quezon City Police District (QCPD) report, isa sa mga bangkay ay natagpuan bandang 1:30 a.m. sa bakanteng lote sa EDSA northbound lane sa Barangay Ramon Magsaysay, Bago Bantay. Nagtamo ng pinsala sa ulo ang nasabing biktima na nasa edad na 20 hanggang 25, five feet ang taas, payat at maputi, may “BNG” tattoo sa kanang braso; at nakasuot ng blue t-shirt at black short pants.

Bandang 1:35 a.m., natagpuan naman ang pangalawang bangkay na nakalagay sa cardboard box sa harap ng isang kolehiyo sa EDSA southbound lane sa Barangay Philam. Nasa pagitan ng 23 at 30 ang kanyang edad, 5’3’’ ang taas, maputi, may “Gemina” tattoo sa likod, at nakasuot ng white t-shirt at blue short pants. Inaalam pa ng pulisya kung magka-konekta ang pagpatay sa dalawang biktima. Dinala ang mga bangkay sa Light Funeral Services para sumailalim sa autopsy. (Vanne Elaine P. Terrazola)

comments