Home » Sports » Sa wakas, naka-isa na rin ang Blu Girls

Sa wakas, naka-isa na rin ang Blu Girls

Nakamit ng Philippines women softball team o Blu Girls ang una nitong panalo kontra Venezuela, 2-1, subalit agad din nakalasap ng kabiguan kontra Australia, 3-2, sa doubleheader sa 16th World Cup of Softball XI and Border Battle VIII 2016 sa OGE Energy Field ng ASA Hall of Fame Complex sa Oklahoma City.

Sinandigan ng Pilipinas ang no relief job ni pitcher Sierra Lange noong Sabado upang putulin ang limang sunod na kabiguan habang pinigilan bg Blu Girls ang Venezuela sa tangkang paghahabol sa loob ng anim na inning bago naiskoran sa ikapito.

Humataw si Dani Gilmore ng solo homerun sa ikatlong inning bago nagawang itala ni Angelie Ursabia ang isang run sa stolen home base sa ikaanim na inning.

Hindi pa man naiseselebra ang unang panalo ay agad nagbalik sa laban ang Blu Girls kontra sa Australia na nagawa agawin ang huli sa limang beses na pagpapalitan sa abante upang ipalasap ang 3-2 na kabiguan sa Pilipinas. (Angie Oredo)

comments