Home » News » News Roundup » Babae natimbog sa kontrabando

Babae natimbog sa kontrabando

Nagsama sa kulungan ang isang babae at kanyang live-in partner pagkatapos siyang mahulihan ng hinihinalang dahon ng marijuana at sigarilyo na nakatago sa loob ng kanyang panty habang dumadalaw sa Pasay City Jail noong Biyernes.

Kinilala ang suspek na si Marissa Espina, 36, ng Riverside, Tramo, Pasay na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Arestado din si Lea Merchavez, 36, ng Apelo Cruz St., Malibay, Pasay pagkatapos siyang ituro ni Espina na siyang may-ari ng mga kontrabando.

Ayon sa Bureau of Jail Management and Penology-Pasay, dumadalaw si Espina sa kanyang live-in partner na si Ruel de Guzman na nakakulong dahil sa kasong theft nang makita ang mga kontrabando sa loob ng kanyang panty nina JO1 Ruby Addawe and JO1 Renee Mas sa isang inspection.

Inamin ni Espina na ibibigay niya ang mga kontrabando kay De Guzman at kanyang mga kakosa pero iginiit na inutusan lamang siya ni Merchavez na dumadalaw din sa kanyang asawang nakakulong sa Pasay City Jail.

Idinagdag ni Espina na palagi siyang inuutusan ni Merchavez na magdala ng mga kontrabando kapalit ng R100 na tinawag niyang service fee. Itinaggi ni Merchavez ang mga paratang. (Martin A. Sadongdong)

comments