Home » Entertainment » Former child actor di nagsisisi

Former child actor di nagsisisi

Buboy Villar

Walang pinagsisihan ang dating child actor na si Buboy Villar sa kanyang pag-amin na ka-live in niya ang 18-year old American girlfriend niyang si Angillyn Gorens.

Nasa tamang edad na raw para makapagdesisyon ng gusto niya kaya ang magsama sila ang una nilang pinag-usapan at napagdesisyunan ng maayos.

“American naman po si Angie pero halos dito na siya lumaki kaya marunong siyang mag-Tagalog.

“Doon naman sa America, basta 18-years old ka na, may freedom ka nang gawin ang gusto mo sa buhay.

“Yun ang naging desisyon niya na magsama na kami.

“Ako naman, mahal na mahal ko si Angie. Ayokong mawala siya sa buhay ko. Kaya nag-usap kami ng maayos at nag-decide na magsama na kami,” diin ni Buboy.

Engaged na nga silang dalawa kaya next year ay nasa plano na nilang magpakasal sa Amerika.

“Yun na po ang next step namin. Kaya nag-iipon na po tayo.

“Kaya imbes na kumuha kami ng ibang bahay na titirhan, doon kami sa bahay namin sa Quezon City na nakatira.

“Okey lang sa mommy ko na doon kami kasi mahal niya si Angie. Very supportive si mommy sa aming dalawa,” ngiti pa niya.

Marami ang nagpapayo kay Buboy na pag-isipan niya ng ilang beses ang ginagawa nila ng girlfriend niya. Pareho silang 18 at marami pa silang panahon para pag-isipan ang lahat.

Pero para kay Buboy, si Angie na ang forever niya.

“Bakit pa namin patatagalin pa, eh nandito na kami sa puntong sobrang mahal na mahal namin ang isa’t isa?

“At ang pag-ibig naman, wala sa anumang edad ‘yan. Sa nangyayari sa amin ni Angie ngayon, ito na ‘yon. Siya na ‘yung taong mamahalin ko forever!” masayang pahayag pa niya.

Hindi naman daw magiging hadlang ang estado ni Buboy ngayon sa kanyang showbiz career. Kasama siya sa malaking cast ng GMA-7 telefantasya na “Encantadia” bilang si Wantuk.

“Mahal ko po ang trabaho ko at kahit na may papasukin na akong ibang buhay, nandito pa rin ako para magtrabaho.

“Pag-arte ang ikinabubuhay ko. Ito ang naging daan para maging maayos ang buhay ng pamilya ko. Kaya ito rin ang magiging trabaho ko kahit na may sarili na akong pamilya.” (RUEL J. MENDOZA)

comments