Home » News » News Roundup » New Roundup » Featured » Chinese national nahulihan ng shabu sa maleta

Chinese national nahulihan ng shabu sa maleta

21ChineseShabu copy

Tiklo ang isang Chinese national matapos madiskubre ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) K9 unit dog ang 11 pakete ng shabu sa loob ng maleta nito kahapon sa Mactan-Cebu International Airport (MCIA).

Ayon sa ulat na nakarating sa Bureau of Customs Intelligence Group (BOC-IG), nakilala ang suspek na si Zhou Liming, 27 anyos na nanggaling sa Xiamen, China.

Nasabat ang iligal na droga nang upuan ng K9 dog ang nasabing bagahe matapos dumaan ito sa X-ray machine. Nang buksan ang bagahe ay nakita ang mga pakete na nakatago sa false bottom o sa pinakatagong parte ng bag. Kasalukuyan pang kinukumpleto ang report ng buong insidente, ayon kay Deputy Commissioner Jessie Dellosa ng BOC-IG.

Ang insidente ay isang araw lamang ang pagitan matapos tiyakin ng Chinese Embassy kay Pangulong Rody Duterte ang kanilang lubos na suporta sa aksyon ng gobyerno ng Pilipinas laban sa illegal drugs. (Argyll Cyrus B. Geducos)

comments