Home » News » News Roundup » Lalaki napatay dahil sa kapatid

Lalaki napatay dahil sa kapatid

Isang 34-gulang na lalaki ang binaril at napatay ng kaaway ng kanyang nakatatandang kapatid sa Tondo, Manila, Martes ng umaga.

Binawian ng buhay si Reynan Duallo, residente ng Almeda Street, Tondo, habang isinusugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center matapos siyang barilin ng ilang beses ng suspek na si Jeffrey Agustin, nakatira sa Interior 8, Tondo.

Ayon kay Police Officer 3 Jorlan Taluban, may hawak ng kaso, naganap ang pamamaril bandang 9:30 a.m. sa kanto ng Estero de San Lazaro at Tayuman Street.

Bago maganap ang krimen, sinalubong at binantaan ni Agustin na babarilin niya ang kapatid ng biktima na si Eric Duallo, 43, dahil sa matagal na nilang alitan.

Dahil sa takot, tumakbo si Eric palayo kay Agustin at humingi ng saklolo sa kanyang kapatid na si Reynan. Napagpasyahan ng magkapatid na i-report sa barangay officials ang insidente, ngunit bago pa sila makarating sa kinauukulan, kinompronta na ni Reynan si Agustin.

Sa kainitan ng kanilang pagtatalo, bumunot ng baril si Agustin at pinaputukan ng ilang beses si Reynan. Pinaghahanap na ngayon ng mga pulis ang suspek na mabilis na tumakas matapos ang pamamaril. (Analou De Vera)

comments