Home » Sports » Basketball » Sportswriters bigo

Sportswriters bigo

Iniuwi ng Poker King Club ang ikatlong sunod na panalo habang ikalawa naman sa Full Blast Digicomms matapos ang magkahiwalay na panalo Lunes ng gabi para patuloy na magsalo sa liderato sa ginaganap na 2016 Friendship Cup – Para Kay Mike Basketball for a Cause Tournament sa makasaysayang Rizal Memorial Coliseum.

Tinalo ng Poker King Club ang Bangko Sentral ng Pilipinas, 67-59 habang binigo ng Full Blast Digicomms ang PAGCOR, 93-78, sa torneo na hangad makapagkalap ng pondo para sa manunulat na si Mike Lee.

Nagwagi din ang Sports TV5 kontra sa Sportswriters, 88-63.

Kapwa bitbit ng Poker King Club at Full Blast Digicomms ang 3-1 panalo-talong karta sa unahan habang nasa likod nito ang Philippine Sports Commission na may 2-2 panalo-talong karta. Nasa ikaapat ang Sports Media (1-1) sunod ang PAGCOR (1-2), Team TV5 (1-2), Bangko Sentral (0-2) at ang di pa nakakalaro na Photogs.

Ang torneo ay isinasagawa para makatulong kay Lee na nagtamo ng stroke habang nasa coverage ng isang multi-sports event sa Antique noong Nobyembre 10 at patuloy na nangangailangan ng panggastos para sa kanyang CT scan at medical test para sa kanyang patuloy na rehabilitasyon at maagang paggaling.

Walong koponan ang kasali sa torneo na susuportahan na din ng F2 Logistics Cargo Movers at SportsCORE kasama ang bagong pamunuan ng Philippine Sports Commission. (Angie Oredo)

comments