Home » News » News Roundup » New Roundup » Metro News » Bata nakoryente sa poste

Bata nakoryente sa poste

Isang siyam na taong gulang na batang lalaki ang namatay matapos makoryente sa isang bakal na poste habang nakikipaglaro sa mga kaibigan malapit sa isang sari-sari store sa Quezon City, Sabado ng hapon.

Base sa report ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), ang biktima ay nakilalang si Erol Agnol, residente ng 123 Pinkihan 2, Brgy. Pasong Tamo, Quezon City. Naganap ang aksidente sa tabi ng sari-sari store na matatagpuan sa No. 180 Pinkihan 2, Brgy. Pasong Tamo, bandang 4 p.m., Sabado.

Ayon kay Emilio Agnol, tinawag siya nang mga kalaro ng bata dahil nakokoryente na ang kanyang pamangkin sa isang poste. Nang sumugod siya sa pinangyarihan ng aksidente, nakita niya ang biktima na wala nang malay at nakadikit pa rin sa poste. Gamit ang isang piraso ng kahoy, inalis ni Emilio ang katawan ng bata sa poste at agad na isinugod sa Quezon City General Hospital ngunit patay na ito nang idating doon. (Francis T. Wakefield)

comments