Home » News » News Roundup » 2 lalaki tepok sa gunmen

2 lalaki tepok sa gunmen

Dalawang lalaki ang napatay ng hindi pa nakikilalang mga gunmen sa magkahiwalay na insidente kahapon sa Quezon City.

Kinilala ng Quezon City Police District (QCPD) ang mga biktima na sina Mario Bayrante, 49 anyos, residente ng Brgy. Payatas B, Quezon City; at Darwin Valdez, 26 anyos, ng Sta. Barbara Villas, San Mateo, Rizal.

Binaril si Bayrante malapit sa kaniyang tahanan habang nakikipag-usap ito sa kaniyang anak na si Chris Mark. Base sa imbestigasyon, isang lalaki ang lumapit sa likod ni Bayrante at tatlong beses pinaputukan ang biktima gamit ang hindi pa nadedeterminang armas.

Sumakay naman agad ang suspek ng motorsiklo na may sakay din na dalawang kalalakihan na posibleng sangkot din sa krimen.

Dead on the spot si Bayrante dahil sa tama ng bala sa katawan na ngayon ay nakalagak na sa Light Funeral Homes.

Samantala isang riding-in-tandem ang bumaril at pumatay kay Valdez sa kanto ng Kalayaan Avenue at Kalusugan Street.

Naglalakad umano ang biktima kasama ang kaniyang kaibigan na si Jericho Aborque nang tumigil ang mga suspek sa harapan ng mga ito.

Dito na pinaputukan ng backrider ang biktima na agad nitong ikinamatay. Inaalam pa ng QCPD Criminal Investigation and Detection Unit ang motibo ng parehong krimen. (Vanne Elaine P. Terrazola)

comments