Home » News » News Roundup » New Roundup » Regional » 13 pamilya nasunugan ng bahay

13 pamilya nasunugan ng bahay

NOVELETA, Cavite – Labing-tatlong pamilya ang walang mauuwian matapos matupok ang siyam na tahanan Martes ng hapon sa Barangay San Juan II.

Wala namang nasawi o nasaktan sa insidente na ayon kay Investigator PO2 Rodel Abutin ay tumagal ng halos isang oras.

Kinilala naman ang mga may-ari ng naturang mga bahay na sina Edgardo Sapida Monzon, 56 anyos, isang construction worker; Priscila Pangilinan, 62 anyos, Rolando Legaspi, 33 anyos, Conception Borcilao, 53, Erlinda Olaes, 61, Evelyn Tibayan, 48, Evelyn Selaveria, 38, Gina Bondoc, 29, at Bella Binalon, 38.

Nakatutok ngayon ang imbestigasyon sa tahanan ni Monzon kung saan sinasabing posibleng nagsimula ang sunog matapos makitaan ito ng sumiklab na electric wire.

Mabilis naman na kumalat ang apoy dahil gawa umano ang mga tahanan ng light materials habang aabot sa P150,000 ang halaga ng mga napinsala. (Anthony Giron)

comments