Home » News » News Roundup » Drug suspect itinumba

Drug suspect itinumba

Isang pedicab driver na hinihinalang gumagamit ng bawal na gamot ang itinumba ng dalawang nakamotorsiklong lalaki sa Tondo, Manila, Miyerkules ng gabi.

Dead on arrival si Danilo Mendoza, 39, sa Mary Johnston Hospital dahil sa tama ng bala sa leeg. Base sa close circuit television (CCTV) footage ng Barangay 78, nakatayo si Mendoza sa kanto ng Franco at Peñalosa Streets, Tondo, bandang 8:26 p.m. nang biglang huminto sa tapat niya ang isang motorsiklo na may sakay na dalawang lalaki.

Agad na bumunot ng baril ang backrider at pinaputakan nang malapitan si Mendoza. Nakasuot ng sombrero ang namaril habang may helmet naman ang driver ng motorsiklo. Tumakas ang mga salarin patungong Sta. Maria Street.

Ayon kay Barangay Chairman Rody Inocencio, si Mendoza ay kilalang police asset sa kanilang lugar. Sinabi naman ni Detective Glenzor Vallejo, may hawak ng kaso, si Mendoza ay kasama sa illegal drug watchlist ng Raxabago Police Station. (Analou De Vera)

comments