Home » News » News Roundup » Trike driver itinumba sa Pasig City

Trike driver itinumba sa Pasig City

Patay ang isang 37-taong gulang na tricycle driver nang pagbabarilin ng dalawang lalaking nakamotorsiklo sa Pasig City kahapon ng umaga.

Kinilala ni Pasig City police chief Senior Superintendent Orlando Yebra Jr. ang biktima na si Francisco Lontoc alyas Tatit, residente ng Malasaga compound, Barangay Pinagbuhatan.

Base sa police report, nakasakay ang biktima sa kanyang tricycle at naghihintay ng pasahero bandang 2 a.m. sa kanto ng Urbano Velasco Ave. at Salandanan St., Barangay Pinagbuhatan, nang dumating ang dalawang armadong lalaki at pinaputukan siya ng ilang beses.

Nagawa pang tumakbo ng biktima ngunit natumba rin siya sa daan dahil sa tama ng bala sa katawan. Isinugod si Lontoc ng kanyang kinakasamang si Shiryn Cantre sa Rizal Medical Center ngunit namatay siya habang nilalapatan ng lunas.

Ayon sa police report, nakasama ang pangalan ng biktima sa Pasig City police drug watch list dahil sa impormasyong nagbebenta siya ng bawal na gamot sa Barangay Pinagbuhatan at mga kalapit na barangay. (Jenny F. Manongdo)

comments