Home » Sports » Frayna nakalasap ng unang kabiguan

Frayna nakalasap ng unang kabiguan

Naudlot ang dominasyon ni Philippine No.1 at Woman International Master (WIM) Janelle Mae Frayna matapos na malasap ang unang kabiguan Biyernes kontra IM Rueda Paula Andrea Rodriguez ng Colombia sa krusyal na ika-11 round ng FIDE World Junior Chess Championships 2016 (for boys & girls under 20) sa Bhubaneswar, Odisha, India.

Napuwersa ang 19-anyos na psychology student sa Far Eastern University na kinilala bilang Most Valuable Athlete sa Chess at Athlete of the Year sa UAAP 76 season na sumuko gamit ang itim na piyesa matapos ang 60 moves kontra sa 18th seed na si Pamila upang mahulog sa apat kataong liderato.

Ang kabiguan ay una ni Frayna sa torneo matapos na unang magtala ng anim na panalo at apat na draw upang makapagtipon ng kabuuang walong puntos matapos ang 11 round.

Base sa tiebreak ay ikalawang puwesto si Frayna (2292) na may 70 points sa likod ng umokupa sa unahan na si WIM Pv Nandhidhaa (2151) ng India na may 71 points. Ikatlo ang tumalo kay Frayna na si IM Rodriguez ng Colombia habang nasa ikatlo si WGM Dinara Saduakassova ng Kazakhstan.

Habang isinusulat ito ay makakasagupa ng seeded no. 9 na si Frayna sa penultimate round 12 ang seeded no. 18 na si WIM S. Dharia Parnali (2203) ng India na bitbit ang tinipon na 7 puntos.

Samantala’y napaangat ni WFM Shania Mae Mendoza (2191) ang kanyang puwesto sa ika-31 silya sa pagtipon ng kabuuang 5½ puntos sa 57 kasali matapos na talunin ang 52nd seed na si Lakshmi R Divya (1864) ng India.

Tumuntong din sa Top 10 ang National University standout na si IM Paolo Bersamina sa pag-okupa nito sa ika-7th puwesto na natipon na 7½ puntos upang makitabla sa 4th hanggang 7th place.

Tinalo ng 17-anyos at seeded no. 26 na si Bersamina ang nakatapat na seeded no. 6 na si IM Rasmus Svane ng Germany.

Una itong nagtala ng matinding upset sa torneo matapos na gibain ang 5th seed German Grandmaster na si Dennis Wagner. (Angie Oredo)

comments