Home » News » News Roundup » Kotong cop natimbog

Kotong cop natimbog

Isang miyembro ng Quezon City Police District Station 2-Station Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Group ang naaresto pagkatapos bugbugin at mangikil umano ng P100,000 kapalit ng paglaya ng isang drug suspect na nahuli sa isang buy-bust operation sa Barangay Paltok, Quezon City kamakailan.

Kinilala ang suspect na si PO1 Michael Gragasin, 33, residente ng Barangay Kaligayahan, Novaliches. Naaresto ang suspect sa isang entrapment operation na isinagawa ng QCPD-Special Operations Unit sa compound ng QCPD Station 2 sa Del Monte Ave.

Ayon kay QCPD Director Senior Supt. Guillermo Eleazar, ikinasa ang entrapment operation pagkatapos magreklamo si Jackielyn Pineda, live-in partner ng drug suspect na si Zaldy Roda, sa QCPD-DSOU na binugbog ni Gragasin ang biktima at humingi ng P500,000 kapalit ng kanyang paglaya at hindi pagsampa ng kaukulang kaso.

Naibaba ni Pineda ang hinihinging halaga sa P100,000 at kaagad na nagsumbong sa QCPD-DSOU. Ikinasa ang operation at nahuli ang suspect. (Vanne Elaine P. Terrazola)

comments