Home » News » News Roundup » Estudyante nagpakamatay

Estudyante nagpakamatay

Nagpakamatay umano ang isang estudyante na may suliranin sa pamilya sa pamamagitan ng pagtalon sa isang gusali sa Ermita, Manila noong Huwebes.

Kinilala ni SPO1 Bernardo S. Cayabyab, may hawak ng kaso, ang biktima na si Romelyn Saria, 17, residente ng Imus City, Cavite.

Ayon sa imbestigasyon, binisita ni Saria, kasama ang isang kaibigan na si Pauline Lusuegro, 19, ang isa pang kaibigan na nakatira sa naturang gusali.

Inilahad ni Saria ang kanyang mga hinaing sa mga kaibigan pero bigla na lamang umanong tumakbo palabas ang biktima habang umiiyak.

Sinundan ni Lusuegro si Saria pero hindi niya ito nasundan. Nakita ni Joselito Espelita, technician ng gusali, na tumatakbo papunta sa kanila ang biktima at humihingi ng tulong.

Pinapasok ni Espelita, kasama ang kaniyang mga katrabaho, ang biktima sa kanilang barracks at iniwan siya upang humingi ng tulong.

Bumalik sila sa barracks at nakitang wala na si Saria. Makaraan ng ilang minuto, nakita na lamang nila ang katawan na biktima na nakahandusay sa kalye. Dinala ang biktima sa ospital kung saan siya binawian ng buhay. (Analou de Vera)

comments