Home » News » News Roundup » Ginang ginulpi ng asawa, nagbigti

Ginang ginulpi ng asawa, nagbigti

Nagpakamatay ang isang 33-taong gulang na ginang sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili matapos bugbugin ng kanyang asawa sa loob ng kanilang tahanan sa Pasay City kahapon ng umaga.

Ayon kay SPO1 Dennis Desalisa, may hawak ng kaso, wala nang buhay si Janette Rebellon, isang sales lady, nang matagpuan ng kanyang asawang si Rommel na nakabitin mula sa kisame sa kanilang bahay sa No. 3030 Agtarap St., Brgy. San Rafael, Pasay City, bandang 3:30 a.m.

Sinabi ni Desalisa na nylon cord ang ginamit ng babae sa pagbigti sa sarili. Nalaman ng imbestigador na nagkaroon ng mainitang pagtatalo sina Janette at Rommel dakong 11 p.m. nitong Miyerkules dahil sa pakikipag-inuman ng babae sa kanyang mga kaibigan sa labas ng bahay.

“Yong pagtatalo nila humantong sa sakitan hanggang sa nadiskubre na lang ng lalaki na nagbigti na pala ‘yong misis niya, sabi ni Desalisa.

Base sa imbestigasyon, tinangka rin ni Janette na magpakamatay noong Agosto 20 matapos na bugbugin ni Rommel ngunit napigilan siya ng kanyang sister-in-law. Ayon sa pulis, kumbinsido ang anak at pamangkin ng mag-asawa na nagpakamatay si Janette. (Martin A. Sadongdong)

comments