Home » News » News Roundup » New Roundup » Regional » Mga sundalo bantay sa bus stations

Mga sundalo bantay sa bus stations

Nagtalaga na ng mga sundalo sa Quezon City bus stations para tulungan ang mga pulis na siguruhin ang kaligtasan ng mga biyahero sa gitna ng banta ng terorismo sa bansa.

Apatnapung tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang tutulong sa Quezon City Police District (QCPD) sa pagsugpo ng terorismo at iba pang krimen, ayon kay Senior Supt. Guillermo Eleazar, QCPD chief.

Noong Martes, ipinadala ang mga sundalo sa 10 istasyon ng bus sa Cubao, kasama ang inspection teams mula sa Cubao Police Station (PS-7).

Hinati sila sa dalawang grupo para magbantay mula 6 a.m. hanggang 6 p.m.; at mula 6 p.m. hanggang 6 a.m. Mahigpit na binabantayan ng mga alagad ng batas ang Araneta Center Bus Terminal, Fivestar, Superlines, Baliwag, San-trans, Genesis, ES, Isarog, and Peñafrancia, na matatagpuan sa EDSA; at Partas Bus Term sa Aurora Boulevard.

Ayon kay Eleazar, magpo-focus ang karamihan ng mga pulis ng lungsod sa pagbabantay sa mga mataong lugar sa siyudad.

Samantala, ang beat patrollers mula sa 12 QCPD stations ang magsasagawa ng checkpoints at sisiguro sa kaligtasan ng mga paaralan.

Umaasa ang Quezon City police officials na dahil sa partisipasyon ng mga sundalo, mararamdaman ng publiko na ligtas sila at mahihikayat ang mga mamamayan na makipatulungan sa mga isasagawang inspection. (Vanne Elaine Terrazola)

comments