Home » News » News Roundup » 2 tulak ng droga patay sa shootout

2 tulak ng droga patay sa shootout

Patay ang dalawang hinihinalang tulak ng droga nang makipagbarilan sa mga pulis na nagsagawa ng Oplan Tokhang/Galugad na nagresulta rin sa pagkakadakip ng 10 katao sa Quezon City nitong Linggo.

Kinilala ng Quezon City Police District (QCPD) ang isa sa dalawang napatay na si Virgilio de Chavez alias “Elion,” 57, ng Project 7, Brgy. Veterans Village.

Kinumpirma ng police na nasa drug watchlist ng Masambong Police Station (PS-2) si De Chavez. Ang pangalawang napatay na hindi pa nakikilala ay nasa 35-40 gulang, kayumanggi, katamtaman ang pangangatawan at may tattoo sa buong katawan.

Ayon sa police report, nagsagawa ng Oplan Tokhang ang mga tauhan ng PS-2 anti-illegal drugs unit bandang 11:35 a.m. Linggo sa Ilagan St., Brgy. Paltok laban kay De Chavez matapos makatanggap ng report mula sa mga residente na talamak na ang bawal na droga sa kanilang lugar.

Habang papalapit ang mga pulis sa lugar, pinaputukan sila ng dalawang suspek na armado ng mga baril. Gumanti ng putok ang mga alagad ng batas at malubhang nasugatan ang dalawa. Isinugod ang mga suspek sa Quezon City Hospital ngunit kapwa sila idineklarang dead on arrival. (Vanne Elaine P. Terrazola)

comments