Home » News » News Roundup » Trike driver patay sa pamamaril

Trike driver patay sa pamamaril

Patay ang isang tricycle driver nang tamaan ng bala habang binabaril ng nakamotorsiklong lalaki ang pasahero niyang binatil-yo na kagagaling lamang sa court hearing para sa kasong may kinalaman sa droga.

Kinilala ni SPO1 Joel Landicho, may hawak ng kaso, ang napatay na biktima na si Marvin Columbino, 27, nakatira sa No. 18-C Figueroa St., Brgy. 73, Zone 10, Pasay.

Nakaligtas naman sa kamatayan ang tunay na target ng pamamaril na nakilalang si Brent Michael Bravo, 18, residente ng 578 Facundo St., Brgy. 123, Zone 12, Pasay.

Ginagamot siya San Juan de Dios Hospital dahil sa isang tama ng bala sa katawan. Base sa inisyal na imbestigasyon, naganap ang pamamaril habang minamaneho ni Columbino ang tricycle sakay sina Bravo, lola at kinakasama nito bandang 9:05 a.m. sa Galvez St. malapit sa kanto ng Figueroa St.

“Ngayon, ‘yung suspek eh nasa likod nila, binubuntutan sila. Mukhang tumiyempo,” sabi ni Landicho. “Pagkarating ng Philippine National School for the Blind, ilang metro lang ang layo sa city hall, binaril na ng suspek si Bravo, tinamaan siya sa kaliwang braso,” kwento ni Landicho.

Lumabas ang bala sa kanang bahagi ng katawan ni Bravo at tinamaan si Columbino sa likod, dagdag pa ng pulis. Mabilis na tumakas ang salarin na nakasuot ng bonnet at sun glasses sakay ng motorsiklong walang plaka.

Isinugod ang dalawang biktima sa ospital kung saan ideneklarang dead on arrival si Columbino. Ayon kay Landicho, kadadalo lamang ni Bravo sa pagdinig ng kanyang kasong possession of dangerous drugs sa Regional Trial Court 113 sa Pasay City Hall nang maganap ang pamamaril. (Martin A. Sadongdong)

comments