Home » News » News Roundup » Tulak nanlaban sa pulis, patay

Tulak nanlaban sa pulis, patay

Patay ang isang hinihinalang tulak-droga nang manlaban sa isang pulis sa isinagawang buy-bust operation sa Tondo, Manila, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ng police ang napatay na suspek na si Ian Montenegro, nasa edad na 40-45. Siya ang target ng patibong na ikinasa ng anti-illegal drugs unit ng Moriones (Tondo) Police Station.

Ayon sa police report, bibili sana ng shabu si PO1 Loubert Aumentado, isang undercover police, kay Montenegro bandang 1:20 a.m. sa Pier 2, Parola Compound, nang makilala ng suspek na pulis pala ang kaniyang ka-transaksiyon.

Agad na bumunot ng baril si Montenegro at pinaputukan si Aumentado na swerteng hindi tinamaan. Gumanti ng putok si Aumentado at tinamaan ang suspek dalawang beses sa katawan.

Isinugod sa Gat Andres Bonifacio Hospital si Montenegro ngunit ideneklara siyang dead on arrival. Na-recover sa kaliwang bulsa ng damit ni Montenegro ang dalawang sachet ng shabu at ang kanyang baril. (Analou de Vera)

comments