Home » News » News Roundup » Pulis na umawat sa nag-aaway tinodas

Pulis na umawat sa nag-aaway tinodas

Binaril at namatay ang pulis na umawat lamang sa nagaaway na dating magkasintahan sa Malate, Manila kahapon. Kinilala ang biktima na si PO1 Kirk Alwyn Gonzales, 27, residente ng Balagtas St. Nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan ang biktima na kaagad nitong ikinamatay.

Si Gonzales ay nakatalaga sa Manila Police District Station 9 anti-illegal drug unit. Ayon sa imbestigasyon, ginising ng kapitbahay ang biktima upang awatin ang dating magkasintahan na nagaaway sa labas.

Lumabas ang biktima at nakita niya ang suspek na si Eli Matthan Sumampong, 37, isang negosyante, at kanyang dating live-in-partner na si Girly Espinosa, na may matinding alitan.

Inawat ng biktima ang dalawa at bumalik sa kanyang bahay ng humupa ang tensiyon. Pero sinundan ng suspek ang biktima at pinagbabaril.

Bumulagta ang biktima samantalang tumakas ang suspek sakay ng itim na Toyota Rav 4 na may plakang UPI-969.

Inimbitahan ng mga pulis sina Espinosa at Celso Sumampong, kapatid ng suspek, at mga saksi upang magbigay linaw sa insidente. (Betheena Kae Unite)

comments