Home » News » News Roundup » New Roundup » Regional » Ginang biktima ng ‘budol-budol’

Ginang biktima ng ‘budol-budol’

LIMAY, Bataan – Isang ginang na may edad na 71 ang nabiktima ng “budol-budol” gang kamakailan sa Limay public market sa Barangay Reformista.

Kinilala ang biktima na si Fe Lefrozo na taga Barangay Alangan na nawalan ng P3,000, tatlong singsing na may halagang P18,000 at kuwintas na nagkakahalagang P30,000.

Ayon kay Lefrozo, namamalengke sila ng kanyang kasambahay na si Leonida Bata ng may nagpakilalang sa kanila ng isang babae, 40, na nagpanggap na kilala ang kanyang mga anak sa abroad.

Sumama ang mga biktima sa suspek na nagsabing babayaran niya ang utang sa anak ng biktima.

Tumuloy sila sa isang kulay na berdeng Tamaraw FX na walang plate number.

Sa loob, nadatnan nila ang dalawa pang suspek – isang lalaki at babae.

Ibinigay ng mga suspek ang isang itim na clutch bag na umano’y may laman ng $1,000. Nakumbinsi rin ang biktima na tanggalin ang kanyang mga alahas at ilagay sa kanyang wallet.

Habang nagkukwentuhan, hindi namalayan ng biktima na tinangay na ang kanyang wallet.

Ibinaba sila sa Barangay Luz Limay na tangan ang clutch bag ngunit ng kanilang binuksan, walang lamang pera ang bag.
(MAR T. SUPNAD)

comments