Home » News » News Roundup » Tulak dedo, pulis sugatan sa shootout

Tulak dedo, pulis sugatan sa shootout

Patay ang isang drug pusher habang sugatan naman ang isang pulis sa isang shootout na naganap habang nagsasagawa ng “Oplan Tokhang” ang grupo ng naturang alagad ng batas sa Navotas nitong Martes.

Kinilala ni Senior Supt. Dante Novicio, Navotas Police chief, ang napatay na suspek na si Glenly “Kiko” Royo, ng Barangay North Bay Boulevard South.

Kasalukuyan namang nagpapagaling sa Tondo Medical Hospital ang nabaril na pulis na si Police Officer 1 Ryan Mones.

Base sa imbestigasyon, nagsagawa ng Oplan TokHang ang Navotas police bandang 4 p.m. sa Barangay North Bay Boulevard South nang mamataan nila ang dalawang lalaking may kahina-hinalang kilos.

Isa sa kanila ay nakilalang si Royo na diumano’y kilabot na tulak ng droga sa kanilang barangay. Nang akmang lalapitan sila ng mga pulis, tumakbo ang dalawang lalaki at isa sa kanila ang nagpaputok ng baril at tinamaan si PO1 Mones sa balakang.

Napilitang gumanti ng putok ang mga pulis at napatay si Royo habang nakatakas naman ang mismong lalaking nakabaril kay PO1 Mones. Tinutugis na ng mga pulis ang nakatakas suspek. (Jel Santos)

comments