Home » Entertainment » Alma back to showbiz

Alma back to showbiz

alma-moreno-copy-copy

NAGBABALIK sa pag-arte sa telebisyon ang actress-turned-politician na si Alma Moreno matapos na hindi siya suwertehin sa pagtakbo niya bilang senador noong nakaraang May elections.

Kasama si Alma sa bagong weekly sitcom ng Kapuso network titled “Tsuperhero”.

Reunited si Alma sa dating leading man niya sa pelikula na si Gabby Concepcion.

Unang nagsama ang dalawa sa pelikulang “Abigael” noong 1981 at sa “Abandonada” in 1989.

Kasama rin sa “Tsuperhero” ang loveteam nila Derrick Monasterio at Bea Binene. Ka-join din sina Michael V, Migs Cuaderno, Betong Sumaya, Phillip Lazaro, Valentin, Annalyn Barro, Jemwell Ventinilla at Kuhol.

“Balik tayo sa pag-arte ulit. Na-miss ko rin ang showbiz.

“Ang mga anak ko (Mark Anthony Fernandez, Vandolph Quizon, Winwyn Marquez) aktibo sa showbiz. Siguro ay walang masama kung bumalik ako since uso naman ang mga kaedad kong nagbabalik sa TV, ’di ba? Uso na kami ulit!” tawa pa niya.

Pero sa kabila ng lahat ng nangyari noong nakaraang eleksyon, hindi pa rin daw sinusukuan ni Alma ang politics.

Susubok daw siya uling tumakbo sa susunod na eleksyon.

“Nasa dugo ko na ang pagtulong.

“Naging parte na ng buhay ko sa mahabang panahon ang public service.

“Kaya hindi ako basta mawawala sa ganyang linya ng trabaho,” diin pa niya.

Masaya naman daw si Alma sa very public love life ng kanyang anak na si Winwyn sa Kapuso actor na si Mark Herras.

May isang payo lang si Alma sa kanyang dalaga – huwag muna ito sanang mag-asawa agad.

“Gusto ko munang mag-enjoy si Winwyn sa buhay niya bilang dalaga. Huwag silang magmadali.

“Marami pa silang magagawa sa career nila. Huwag silang padalus-dalos ng desisyon. Enjoy muna sila habang single sila,” ngiti pa ni Alma.

Nababaitan si Alma kay Mark at alam niyang magiging mabuting partner ito ng kanyang anak.

“Ang una kong napansin kay Mark, maalaga siya sa pamilya niya.

“Mabait siyang bata at gusto ko ’yon.

“Pero gusto kong prepared silang dalawa ni Wyn bago nila isiping mag-settle down. Mga bata sila kasi kaya huwag muna, please!” pagtapos pa ni Alma Moreno. (RUEL J. MENDOZA)

comments