Home » News » News Roundup » 13 nasaktan sa jeep accident

13 nasaktan sa jeep accident

Labintatlong katao ang nasaktan matapos sumalpok ang kani-lang sinasakyang pampasaherong jeep sa center island malapit sa De la Salle Greenhills, Mandaluyong City, bandang 8 a.m. kahapon.

Base sa police report, binabagtas ng jeep (DGJ-805) na minamaneho ni Josua Conson, 19, ang kahabaan ng Ortigas Avenue galing sa San Lorenzo, Taytay, Rizal, nang sumalpok ito sa center island at tumumba ng patagilid.

“Nawalan daw ng preno iyung jeep kaya ibinangga niya sa barrier at tumagilid,” sabi ni Senior Police Officer 4 Roberto Posadas, chief ng traffic investigation section ng Mandaluyong.

Isinugod ang mga nasaktang pasahero sa Cardinal Santos Medical Center at San Juan Medical Center kung saan nilapatan sila ng lunas dahil sa mga galos at pasa sa ulo at katawan. Sinagot ng operator ng jeep ang pagpapagamot ng mga biktima. (Jenny Manongdo)

comments