Home » News » News Roundup » New Roundup » Regional » Dating asawa ng drug lord patay sa ambush

Dating asawa ng drug lord patay sa ambush

Isang babae na sinasabing may malalim na relasyon sa mga notoryus na drug lords ang napatay matapos barilin ng mga hindi pa nakikilalang mga lalaki noong Biyernes sa Cebu City.

Kinilala ang biktima na si Annalou Llaguno, 30-anyos na sakay din ng motorsiklo kasama ang sinasabing boyfriend nito na si John Joseph Romarante, 21 anyos.

Ayon kay Police Officer 1 Mark Miñoza, binabaybay ng biktima ang boundary ng Barangays Sawang Calero at Duljo-Fatima sa Cebu City nang paputukan ito ng tatlong kalalakihan na sakay ng din ng motorsiklo.

Napansin ni Romarate na napahandusay si Llaguno sa kaniyang likod kaya itinabi muna nito ang kaniyang motorsiklo.

Laking gulat na lamang ni Romarate na may tama na ng bala si Llaguno ngunit napatakbo na lamang ito papalayo sa biktima nang makita niya ang tatlong gunmen na papalapit sa kanila.

Agad din na tumakas ang mga suspek nang biglang dumami ang mga tao sa paligid ng krimen.

Nasa jewelry business umano si Llaguno ngunit hindi isinasantabi ng pulisya ang posibilidad na may kinalaman sa droga ang nangyaring krimen.

Si Llaguno ay dating asawa ni Kerwin Espinosa, anak ni Ambuera mayor Rolando Espinosa.

Ang mag-ama ay isinangkot ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pangangalakal ng iligal na droga.

Sinasabing pamangkin din umano si Llaguno ng isa pang pinaghihinalaang drug lors na si Crisostomo ‘Tata Negro’ Llaguno na napatay habang nagkakampanya sa pagka-konsehal noong 2010 elections.

comments