Home » News » News Roundup » 7 drug suspects itinumba

7 drug suspects itinumba

Tatlong drug suspects ang namatay sa pamamaril habang apat namang bangkay na pinaniniwalaang summary execution victims ang natagpuan sa magkakahiwalay na insidente sa Pasay, Taguig, Parañaque at Makati cities noong Linggo ng gabi at kahapon.

Base sa report na nakarating kay Senior Superintendent Nolasco Bathan, Pasay City police chief, isa sa mga bangkay na natagpuan ay nasa edad 30 hanggang 35, may taas na 5’3”, at nakasuot ng black t-shirt, black jogging pants at tsinelas.

May tatlong tama siya ng bala sa ulo at katawan. Nakita ang bangkay sa bakanteng lote sa No. 1760, Interior Taft Avenue sa Pasay City bandang 3:48 a.m. kahapon, sabi ni barangay chairman Salvador Salazar.

Sa Taguig City naman, dalawang hinihinalang drug pusher ang natagpuang wala nang buhay Barangay South Signal dakong 2:45 a.m. kahapon.

May tig-isang tama ng bala sa ulo ang dalawang bangkay na kinilalang sina Modriae Kamid at Dipatuan Sayutin, mga residente ng Tanyag Street, Barangay South Signal.

Sa Parañaque City, iniulat ni police chief Senior Supt. Jose Carumba na binaril at napatay ng dalawang nakamotorsiklong kalalakihan sina Joshua Montes Tan, 22, at Cordova Gelizon, 31, habang naglalaro ng billiards kasama ang mga kaibigan bandang 1:45 p.m. kahapon sa Barangay San Martin de Porres.

Natagpuan din ang bangkay ng isang hindi kilalang lalaki sa Macapagal Boulevard, Barangay Tambo dakong 1 a.m. Sinabi ni Carumba na nakatali ng electric cord and kamay ng biktima at may tama ng bala sa ulo.

Sa Makati City, isang Efren Neri ng No. 27-H, Lapu-Lapu Street, Brgy. West Rembo, Makati ang itinumba ng dalawang nakamotorsiklong lalaki habang siya’y nakaupo sa tapat ng isang bakery malapit sa kaniyang bahay bandang 9 p.m. noong Linggo.

Matapos ang pamamaril, iniwan ng suspects sa tabi ng bangkay ni Neri ang isang piraso ng karton na may nakasulat na “Drug pusher ako, wag tularan”. Na-recover sa katawan niya ang isa pakete ng shabu, ayon sa police. Kasalukuyang ini-imbestigahan ng pulisya ang mga nasabing insidente. (Martin A. Sadongdong)

comments