Home » News » News Roundup » New Roundup » Metro News » Paul Alvarez arestado matapos manapak ng bar customer

Paul Alvarez arestado matapos manapak ng bar customer

Inaresto ng pulis ang retiradong manlalaro ng Philippine Basketball Association (PBA) na si Paul “Bong” Alvarez matapos manapak ng isang customer sa loob ng isang bar sa Quezon City noong Linggo ng umaga.

Ayon sa police report, bigla na lang sinuntok ng 48-taong gulang na dating PBA star si John Mendoza, 36, dakong 1 a.m. habang masayang nakikipag-usap ang huli sa loob ng bar na matatagpuan sa kanto ng Scout Esguerra Street at Timog Avenue sa Barangay South Triangle.

Sinabi ni Supt. Pedro Sanchez, hepe ng Kamuning Police Station (PS-10), na lasing si Alvarez nang buntalin niya si Mendoza dahil umano sa away tungkol sa live-in partner ng basketbolista na kasama niya rin sa bar.

Hindi pa alam kung ano ang dahilan ng away ng dalawa. Nauwi sa suntukan ang argumento nina Alvarez at Mendoza ngunit mabilis naman silang naawat ng bouncers sa bar. Nahaharap sa kasong physical injury si Alvarez na kasalukuyang nakakulong sa PS-10. (Vanne P. Terrazola)

comments