Home » News » News Roundup » Drug user pinatay sa pinagtaguang bahay

Drug user pinatay sa pinagtaguang bahay

Isang drug user ang binaril at napatay ng dalawa sa 14 na kalalakihang humabol sa kanya habang siya’y nagtatago sa isang bahay sa Caloocan City nitong Huwebes ng gabi.

Base sa police report, dead on the spot si Laurence Esteves, 21, ng Barangay 74, Caloocan, matapos pagbabarilin ng dalawang hindi kilalang lalaki sa loob ng isang bahay sa Barangay 74 bandang 11 p.m.

Ang mga bumaril ay kasama sa 14 na lalaki na nakitang humahabol sa biktima. Napag-alaman na may seven-month old baby sa loob ng bahay kung saan tinangkang magtago ni Esteves ngunit swerteng hindi tinamaan ng bala ang bata.

Mabilis na tumakas ang dalawang salarin sakay ng isang motorsiklo matapos ang pamamaril. Na-recover ng mga pulis sa pinangyarihan ng krimen ang walong basyo ng bala ng .45-caliber pistol.

Ayon sa mga testigo, nakasuot ng bonnet, jacket at denim pants ang 14 na armadong lalaking humabol kay Esteves.

Sinabi ng police na nasa kanilang drug watchlist si Esteves na kilalang drug user sa kanilang lugar.

Ayon sa mga kapitbahay ng biktima, hinabol na rin ng mga armadong lalaki si Esteves tatlong linggo na ang nakakaraan ngunit nakapagtago siya sa isang bahay. (Jel Santos)

comments