Home » News » Headlines » 2 patay sa mall hostage incident

2 patay sa mall hostage incident

Love triangle ang nakikitang dahilan kung bakit nang-hostage ang isang lalaki kahapon sa isang kilalang mall sa Dasmarinas City, Cavite.

Kinilala ni Dasmarinas police chief Senior Supt. Rodolfo Hernandez ang hostage taker na si Carlos Marcos Lacdao, 32 anyos, na nang-hostage ng 12 biktima sa comfort room ng nasabing mall.

Ayon kay Hernandez, naipuslit ni Lacdao ang isang 12-inch knife sa loob ng mall kung saan sa kasagsagan ng kaniyang pangho-hostage ay isinisigaw umano nito ang pangalan ng lalaki na pinaghihinalaan niyang ka-relasyon ng kaniyang asawa.

Ang asawa ni Lacdao ay nagtatrabaho bilang isang comfort room attendant sa nasabing mall ngunit hindi naman ito kasama sa mga hostage victims.

Nakatakas ang siyam sa mga hostages ngunit dalawa sa mga ito ay sinaksak ni Lacdao, isa sa mga ito ay namatay dahil sa tama sa armpit.

Hawak pa ni Lacdao ang babaeng hostage na kinilalang si Mylene Balajadia nang magdesisyon ang awtoridad na barilin ang suspek.

Patay si Lacdao dahil sa tama ng bala sa ulo at likod habang hindi naman nagtamo ng anumang sugat si Balajadia.

Hanggang alas-3 ng hapon kahapon o isang oras matapos ang hostage-taking incident ay nanatiling sarado ang mall para sumalilim sa imbestigasyon.

comments