Home » News » News Roundup » Babaeng naghahanap ng ‘bato’ inaresto

Babaeng naghahanap ng ‘bato’ inaresto

Inaresto kahapon ng mga barangay tanod ang isang 23-taong gulang na babae matapos siyang pumasok sa mga bahay ng kaniyang kapitbahay sa Pasay City at magtanong kung saan siya makakabili ng “bato” o shabu.

Kinilala ni SPO1 Ronaldo David ng Pasay Police Station Anti-Illegal Drugs (SAID) ang naaresto na si Leslie Cudera, nakatira sa 1665 Interior Zamora St., Paco, Manila.

Base sa imbestigasyon, dinakip si Cudera ng mga tanod na sina Gorgonio Aduana at Winnie Bermalas bandang 9:45 a.m. sa Meralco Street, Barangay 13, Zone 4, Pasay, matapos silang makatanggap ng reklamo sa mga residente na basta na lang pumapasok ang suspek sa kanilang bahay at nagtatanong kung saan makakabili ng meth.

“Kinakatok at pinapasok daw niya ‘yong mga residente tapos nagtatanong kung saan makakabili ng ‘bato,’” sabi ni David.

Ayon kay David, nakita ng mga tanod si Cudera na naglalakad na parang wala sa sarili at tila nasa ilalim ng impluwensiya ng droga.

Hindi siya nanlaban nang arestuhin. “Hindi namin makausap ng maayos dahil mukhang ‘high’ pa eh. Ngayon ipapa-lab namin, drug test para malaman kung positive sa drugs,” sabi ni David. (Martin A. Sadongdong)

comments