Home » News » News Roundup » Sumukong addict binaril habang tulog

Sumukong addict binaril habang tulog

Isang sumukong drug user ang binaril habang tulog ng hindi kilalang lalaki sa loob ng kanyang inuupahang kuwarto sa Sta. Ana, Manila, kahapon ng umaga.

Sinabi ni Detective Jonathan Bautista ng Manila Police District homicide section, na patay na ng matagpuan ng kapitbahay si Federic de Asis, 35, miyembro ng “Bahala na Gang.”

Base sa inisyal na imbestigasyon, pumasok ang salarin sa kuwarto ni De Asis sa 2156 Road 15, Fabie Estate, bandang 5:40 a.m. at binaril ng tatlong beses sa likod ang natutulog na biktima.

Ayon kay Ariel Biaca, kapitbahay ng biktima, nasa loob siya ng kanyang kuwarto ng makarinig siya ng sunod-sunod na putok ng baril at tunog ng motorsiklo.

Nang lumabas siya para alamin kung ano ang nangyari, nakita niya malapit sa steel gate ang isang piraso ng nilamukos na papel kung nakasulat ang mensaheng “Drug Pusher, Huwag Tularan.”

Pumasok si Biaca sa kuwarto ni De Asis kung saan nakita niya ang huli na patay na. Agad niyang ipinaalam ang insidente sa pinakamalapit na barangay outpost na siya namang nag-report sa police.

Ayon kay Chairman Hector Octabo ng Barangay 790, Zone 86,dalawang beses na sumuko si De Asis nang magsagawa ng “Oplan Tokhang” ang mga pulis matapos siyang mapasama sa drug watchlist ng barangay. (Analou De Vera)

comments